Pag-asa sa Pag-aaral: Gotamco ES, Lumahok sa Project ARAL

Noong Setyembre 15, 2025 (Lunes), opisyal na nakibahagi ang Gotamco Elementary School (GES) sa kick-off ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act ng Department of Education (DepEd). Ang proyektong ito ay naglalayong tugunan ang learning gaps ng mga mag-aaral, lalo na sa pagbasa at pagbibilang, at matulungan silang makasabay sa kanilang grade level.

Pinangunahan ni Gng. Lea Marcelo,  kasama ang mga guro ng GES ang opisyal na paglulunsad sa paaralan. Ang mga piling guro ay magsisilbing tutors na tututok at gagabay sa mga mag-aaral na nangangailangan ng dagdag na suporta upang higit pang malinang ang kanilang kasanayan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Gng. Marcelo ang kahalagahan ng pagtutulungan upang masiguro na walang batang maiiwan sa pag-aaral. Ang mga guro naman ay nagpahayag ng kanilang buong suporta at dedikasyon sa pagpapatupad ng proyekto, dala ang layunin na mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa paaralan.

Ang GES ay nagpapasalamat din sa DepEd at sa lahat ng katuwang sa edukasyon para sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral na mas mapaunlad ang kanilang kakayahan. Sa pamamagitan ng Project ARAL, muling pinagtitibay ang pangako ng paaralan: Edukasyon para sa lahat, walang maiiwan.