Noong Agosto 29, 2025, isinagawa ng Gotamco Elementary School ang Pampinid na Palatuntunan bilang pagtatapos ng isang buwang masaya at makabuluhang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan. Ang palatuntunan ay nagsilbing kulminasyon ng lahat ng mga gawaing isinagawa sa buong buwan, kung saan tampok ang mga pagtatanghal ng bawat baitang at paggawad ng parangal sa mga mag-aaral na nagpakita ng kahusayan sa iba’t ibang patimpalak.

Sa nasabing programa, bawat grade level ay naghandog ng kani-kanilang pagtatanghal na tunay na nagpakita ng talento, husay, at pagmamahal sa sariling wika at kasaysayan. Mula sa malikhaing pag-awit, masining na pagtatanghal ng dula, hanggang sa makukulay na sayaw, naging makabuluhan ang araw na ito para sa lahat ng guro at mag-aaral.

Kasabay nito ay ginawaran din ng parangal ang mga batang nagwagi sa mga isinagawang kompetisyon gaya ng History Quiz Bee, Poster Making, Pagbasa ng may Pag-unawa, Pagtula, Sabayang Pagbigkas, Pagsulat ng Sanaysay, at Katutubong Sayaw. Ang bawat patimpalak ay idinaos upang mahubog ang kasanayan ng mga mag-aaral at lalong mapagtibay ang kanilang pagkilala at pagpapahalaga sa ating kultura at kasaysayan bilang Pilipino.

Malaking bahagi ng tagumpay ng selebrasyon ang walang sawang pagsusumikap ng mga Gurong Tagapag-ugnay na sina Gng. Kareena Vitto para sa asignaturang Filipino at G. Dave Matthew Palmero para sa Araling Panlipunan. Ang kanilang sipag, dedikasyon, at pagiging gabay ay naging susi upang maging makulay, makabuluhan, at matagumpay ang buong pagdiriwang.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang pamunuan ng paaralan sa lahat ng guro, mag-aaral, at magulang na aktibong nakibahagi sa iba’t ibang aktibidad. Ang kanilang kooperasyon at suporta ay patunay ng tunay na diwa ng bayanihan na siyang nagbigay saysay sa pagdiriwang.

Sa pagtatapos ng buwan ng wika at kasaysayan, dala ng Gotamco Elementary School ang mahalagang aral: na ang pagmamahal sa sariling wika at pagpapahalaga sa kasaysayan ay pundasyon ng pagkakaisa at pagkakakilanlan bilang Pilipino.

Artikulo ni: G. Dave Matthew R. Palmero

Kuhang Larawan ni: G. Alvin Resurreccion