Bagong Liderato ng mga Guro, Opisyal nang Nahalal sa Gotamco

Noong July 30, 2025, matagumpay na isinagawa ng Gotamco Elementary School ang halalan para sa bagong hanay ng Faculty Officers para sa taong panuruan 2025-2026. Layunin ng halalang ito na pumili ng mga lider mula sa hanay ng mga guro na magsisilbing katuwang ng administrasyon sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng paaralan.

Dumalo at aktibong nakilahok ang lahat ng guro sa pagboto, patunay ng kanilang dedikasyon sa pagpili ng mga opisyal na may kakayahan at malasakit sa kapwa guro at mag-aaral. Ang halalan ay ginabayan ng simpleng programa kung saan ipinaliwanag ang tungkulin at responsibilidad ng bawat posisyon bago simulan ang botohan.

Nahalal bilang bagong Pangulo ang dati nang Pangulo na si Gng. Lorimer Sibonga, Pang. Pangulo ay si G. Emman Gabor, ang Secretary naman ay si Gng. Kareena Vitto. Ang Treasurer ay panghahawakan ni Gng. Wylene Grace Tabuli, ang Auditor ay si G. Joel Keliste, PIO naman si Gng. Mia Dalope, at si Gng. Amalia Batula naman ang Business Manager. 

Sa kanyang mensahe, binati ng Punongguro, Gng. Lea Marcelo, ang mga nahalal na opisyal at pinaalalahanan sila sa mahalagang papel na kanilang gagampanan sa pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon sa Gotamco. Ipinahayag din niya ang buong suporta ng pamunuan upang maging matagumpay ang kanilang mga plano at proyekto.

Buong Gotamco Elementary School ay nagpapaabot ng pagbati at hangarin ng tagumpay sa bagong hanay ng Faculty Officers. Nawa’y magsilbi itong simula ng mas matatag na samahan at mas maunlad na programa para sa kapakanan ng bawat Batang Gotamecian.