Gotamco Elementary School, Opisyal Nang Nasa Isang Shift na Klase
Isang makasaysayang yugto ang naabot ng Gotamco Elementary School ngayong Hulyo 21, 2025, matapos nitong opisyal na lumipat sa Single Shift o iisang sesyon ng klase. Sa unang pagkakataon matapos ang ilang taon, lahat ng baitang ay pumapasok na lamang tuwing umaga, mula 6:00 AM hanggang 12:30 PM, at wala nang panghapon na klase.


Matagal nang isinasagawa ang double shift sa paaralan dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan at pasilidad. Ngunit matapos ang halos limang taong paghihintay at konstruksyon, tuluyan nang natapos ang mga bagong gusali ng paaralan. Dahil dito, bawat guro ay mayroon nang sariling silid-aralan, mas nagiging maayos ang daloy ng pagtuturo, at mas komportable ang mga mag-aaral sa kanilang pagkatuto.
Buong puso ang pasasalamat ng Gotamco Elementary School sa Pamahalaang Lungsod ng Pasay sa kanilang patuloy na suporta sa edukasyon. Taus-pusong pasasalamat rin sa aming Punongguro, Gng. Lea Marcelo, sa kanyang pamumuno at dedikasyon para maisakatuparan ang pagbabagong ito. Pinasasalamatan din ang lahat ng guro, kawani ng paaralan, mga opisyal ng SPTA, at mga katuwang mula sa iba’t ibang sektor na tumulong at naging bahagi ng tagumpay na ito.

Ang paglipat sa Single Shift ay hindi lamang pagbabagong iskedyul—ito ay simbolo ng pag-unlad, pagkakaisa, at tagumpay ng sama-samang pagkilos ng komunidad para sa kapakanan ng mga batang Gotamecian.
Ang buong pamilya ng Gotamco ay masaya at puno ng pag-asa sa panibagong simula na ito tungo sa mas maliwanag na kinabukasan.
Artikulo ni: G. Dave Matthew Palmero