Isang Buwan ng Pasasalamat: Gotamco ES, Pinarangalan ang mga Guro
Kahapon, Oktubre 5, 2025, pormal nang nagtapos ang Teachers’ Month Celebration ng Gotamco Elementary School, isang buwan ng masayang pagdiriwang at pagkilala sa mga guro bilang tunay na bayani ng edukasyon. Ang pagdiriwang ay nagsimula noong Setyembre 5 at nagpatuloy hanggang Oktubre 5, na puno ng mga makabuluhan at masasayang aktibidad na handog para sa mga guro at kawani ng paaralan.


Pormal na sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng Kick-Off Activity kung saan sabay-sabay na isinabit ng SPTA Officers ang tarpaulin bilang simbolo ng pagsisimula ng buwan ng pagkilala sa mga guro. Sinundan ito ng Medical Mission na inorganisa ng Adventist Medical Center para sa lahat ng guro at non-teaching personnel bilang pasasalamat sa kanilang dedikasyon at serbisyo.

Isa sa mga pinakainaabangang aktibidad ay ang Sportsfest, na nagbigay ng kasiyahan at pagkakaisa sa hanay ng mga guro. Nagtagisan sa larong Mixed Volleyball at Patintero, at sa huli, Red Team ang nagwagi. Sumunod naman ang Raffle Draw kung saan masuwerteng nanalo ng cash prize si Ma’am Angelica Guyagon.




Hindi rin nawala ang masayang Bingo, na nagbigay ng saya at pagkakataong manalo ang mga guro. Sa Volleyball Game sa pagitan ng Faculty at Stakeholders, muling ipinakita ng mga guro ang kanilang galing sa larangan ng palakasan matapos masungkit ang panalo.

Bilang pinakatampok na bahagi ng pagdiriwang, isinagawa ang Teachers’ Day Program, na binubuo ng munting salo-salo, gift raffle, at isang nakakaaliw na segment na pinamagatang “Si Sir ay si Ma’am, Si Ma’am ay si Sir”, kung saan nagpalitan ng kasuotan ang mga guro bilang simbolo ng saya at pagkakaisa.







Ipinahayag ng pamunuan ng paaralan ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng guro at kawani sa kanilang patuloy na serbisyo at sakripisyo para sa mga mag-aaral. Lubos ding pinasalamatan ang SPTA, mga stakeholders, at mga katuwang sa paaralan na tumulong upang maging matagumpay ang isang buwang selebrasyon.


Sa pagtatapos ng Teachers’ Month Celebration, dala ng Gotamco Elementary School ang diwa ng pasasalamat at pagkakaisa—isang paalala na ang mga guro ay tunay na haligi ng pag-asa at pag-unlad ng kabataan at ng bayan.