Pagpupunyagi at Dedikasyon, Nagbunga:
Gng. Lupango, tagumpay sa ECP
Isang karangalan at inspirasyon para sa buong komunidad ng Gotamco Elementary School ang tagumpay ni Gng. Julie Lupango, na kamakailan ay napromote sa ilalim ng Enhanced Career Progression System (ECP) ng Department of Education.
Matapos ang mahigit dalawang dekadang tapat at dedikadong paglilingkod sa paaralan, ang pagkakapabilang ni Gng. Lupango sa ECP ay patunay ng kanyang husay, sipag, at walang sawang pagmamahal sa pagtuturo. Sa loob ng kanyang panunungkulan, siya ay naging huwaran ng isang guro na patuloy na nagsusumikap upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon para sa bawat Batang Gotamecian.
Ang Enhanced Career Progression System ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga guro na umangat sa kanilang karera batay sa kanilang kakayahan, performance, at patuloy na pag-unlad bilang propesyonal. Sa pamamagitan nito, nabibigyang pagkilala ang mga gurong tunay na naglalaan ng kanilang oras at talento sa paglilingkod sa edukasyon.
Lubos ang pagbati ng Gotamco Elementary School kay Gng. Lupango sa kanyang tagumpay. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa iba pang mga guro na patuloy na magsikap at maglingkod nang may puso at dedikasyon.



