brigada eskwela 2025 sinimulan ng gotamecians

Pormal nang sinimulan ng Gotamco Elementary School ang taunang Brigada Eskwela noong Hunyo 9, 2025 bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa darating na Hunyo 16. Ang Brigada Eskwela ay programa ng Kagawaran ng Edukasyon na naglalayong pagtulungan ng mga guro, magulang, miyembro ng komunidad, at iba pang mga katuwang ang paglilinis at pagsasaayos ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan at kahandaan ng mga silid-aralan para sa mga mag-aaral.

Mula Hunyo 9 hanggang 13, sama-samang nagtrabaho ang mga boluntaryo upang linisin ang kapaligiran ng paaralan. Nagtulungan ang mga magulang sa pagpipintura ng mga silid, pagwawalis, paggupit ng damo, at pag-aayos ng mga pasilidad. Ang mga katuwang mula sa komunidad at mga organisasyon ay nagpaabot din ng tulong sa pamamagitan ng donasyon ng mga kagamitan at tulong sa mga minor na pagkukumpuni.

Damang-dama ang diwa ng bayanihan sa bawat sulok ng paaralan. Ang aktibong partisipasyon ng lahat ay patunay ng sama-samang pananagutan para sa dekalidad na edukasyon.

Lubos ang pasasalamat ng Gotamco Elementary School sa lahat ng nakiisa sa Brigada Eskwela 2025. Sama-sama nating binubuo ang mas ligtas at mas maayos na kinabukasan para sa ating mga mag-aaral.